Sa mga pagkakataong umuuwi ako ng Laguna na hindi ako sinusundo, sumasakay ako ng MRT.
Kanina, nagulat akong sarado ang lahat ng windows at sumisigaw si manong guard na, "libre ang sakay! libre ang sakay!" Syempre, nagtaka naman ako. Inisip ko, "ano kayang meron? bakit libre?"
Naisip ko: "why is this ride free?"
Sa salitang "free," saka lang pumasok sa isipan ko. Oo nga pala, Independence Day ngayon. Hindi naman sa noon ko lamang naalala. Pero nawala na iyon sa isipan ko buong araw, marahil dahil sa hindi pa rin ako enrolled.
Ewan ko sa inyo, pero ako, hindi ko naramdaman na ipinagdiwang ang araw ng kalayaan. Mula doon ay maraming bagay ang bumagabag sa aking isip.
+++++
Mga katanungan:
1. Bakit 'di gaanong lumilikha ng "buzz" ang araw ng kalayaan kumpara sa ilang mga banyagang pagdiriwang tulad ng halloween?
2. Sadya bang wala nang pagpapahalaga ang mga tao sa araw ng kalayaan?
3. Nananatili pa bang may saysay ang pagiging malaya natin bilang isang bayan?
4. Hanggang "token benefits" na lang ba ang kayang ilaan ng pamahalaan tulad ng libreng sakay para sa mga mamamayan?
5. Wala bang mga programa ang gobyerno upang maitanim sa puso ng taumbayan ang pagmamahal sa kalayaang tinatamasa natin ngayon?
6. Tunay nga ba tayong malaya?
7. Kung papipiliin, mas gugustuhin pa nga ba ng karamihan ang maging malaya sa mga dating sumakop sa atin?
8. Ikaw na nagbabasa nito, ano ang iyong nadarama sa araw na ito?
+++++
Marahil ang iba sa inyo'y iniisip na isa na ako sa mga taong nawalan na ng pag-asa sa mga kapwa ko Pilipino. Ngunit iyan ay hindi totoo. Oo, aaminin kong nakakalungkot isiping marami nang mga Pinoy ang walang kumpyansa sa kapwa Pinoy. Ni wala na ngang tiwala sa sariling abilidad ang ilan, lalo na't 'pag hinahambing sa mga banyaga.
Gayunpaman, buo ang aking loob na may pag-asa pa ang bansang ito. Pag-asang umahon sa ating kinalalagyan. Pag-asang buhayin ang diwang nagdala sa mga bayani noon sa mga bantayog na kinalalagyan nila ngayon. Pag-asang hindi iilan lamang ang nananatiling may pag-asa. At higit sa lahat, pag-asang hindi lang hanggang pag-asa ang mayroon tayo kundi sapat na pagmamahal para sa bayan upang kumilos at pagsilbihan ito.
Naniniwala akong malaki ang potensyal ng Pilipinas, ng Pilipino. Subalit kulang tayo sa bilib sa ating kapwa, ng pag-ibig para sa ating bansa. Hindi naman ako magmamagaling na magsasabing naiibibigay ko ang lahat ng aking makakaya upang maging isang mabuting Pilipino. Alam ko sa sarili kong marami rin akong pagkukulang.
Sarili. Marahil ay dapat tayong magsimula sa ating mga sarili. Ako mismo ay aminadong hindi pa ganoong kakilala at kamahal ang aking sarili. Ngayon ko lang napag-isip-isip na sa susunod ay idadagdag ko na ang "pagmamahal sa bayan" bilang isa sa mga dahilan ko upang mas lalo kong yakapin kung ano ako ng buong buo. Hangga't hindi ko nagagawa iyon ay hindi ko maasahan ang sarili kong mabigay ang lahat para sa iba.
Nais kong maipagmalaki ang henerasyong ito sa mga susunod na henerasyon. Hangad kong makapaglaan ng aking oras, talento, at talino upang masabi sa mga kabataan ilang dekada mula ngayon na hindi pinabayaan ng henerasyong ito ang ipinaglaban ng mga bayani sa libro.
+++++
Magsimula tayo sa ating mga sarili. Ikaw, kilala mo ba kung sino ka? Tanggap mo bang hindi ka perpekto? At hindi mo ba hinahayaang maging hadlang ang kaalamang walang taong perpekto upang patuloy na magpunyagi upang mapaunlad pa ang iyong sarili sa iba't ibang aspeto?
Patuloy akong mangangarap.
Libre lang naman ito.
Ang may kapalit ay ang aktwal na pagkilos. Ngunit sa pagbibigay ng bahagi ng ating sarili, marami ang makakamit. Sabi nga sa Gawad Kalinga, "less for self, more for others, enough for all." Hindi maikakailang kailangang magsakripisyo upang makamit ang ating mga naisin. Ngunit kung para sa isang dakilang mithiin, ano ba naman ang iilang sakripisyo?
Ngunit bago tayo magmahal ng iba, mahalin muna natin ang ating mga sarili. Mahirap mamahagi ng isang bagay na hindi naman buo.
Patuloy lang tayong magmahal.
Libre lang naman ito.
No comments:
Post a Comment